Ang pagiging babae ay pamumuhay sa panahon ng digma - joi barrios

Ang pagiging babae ay pamumuhay
Sa panahon ng digma.
Dapat ingatan at pag-isipan
Ang lahat na ginagawa,
Lahat na salitang lumalabas
Sa aking mga bibig,
Na wala nang silbi sa lipunan
Kundi ang lagyan ng lipstik.

Sa bawat araw
Kailangan kong harapin,
Ang imahen kong nangugutya
Sa harap ng salamin.
Binubulong nito sa akin
Na ang maganda lamang sa lipunan,
Ay ang 36-24-36
Na hugis ng katawan.

Hindi lamang dugo ang naibubuwis
Sa marahas na digmaang ito,
Ngunit pati ang mga luha
Na galing sa mga mata ko;
At ng bawat inang di napasalamatan
Sa kanyang pag-aaruga;

Ng bawat babaeng nagahasa
Na hindi pa nabibigyan ng hustisya;
Ng bawat asawang nagpapagod
Sa mga gawaing bahay;
At ng bawat babeng hindi na birhen
Na akala’y wala nang silbi ang buhay.

Hindi namin alam
Kung kailan matatapos,
Ang pakikipaglaban
At ang aming pagkagapos
Sa patriyarking lipunan.

Nasa’n na ang bukang liwayway?
Kay dami pang walang kasagutan
Ang alam lang namin ay:

Lahat kami ay babae.

Lahat kami ay nakikibaka.

Lahat kami ay tao,

Leave a Reply